-- Advertisements --

Nakatanggap ng tulong mula sa Philippine Red Cross ang mga residenteng apektado ng water interruption sa Bacolod City.

Naghatid ng water tanker ang Philippine Red Cross sa naturang lugar partikular na sa Brgy. Mandalagan sa Bacolod City na talagang apektado ng malawakang water interruption.

Aabot sa 600 kabahayan na apektado ng kawalang supply ng tubig ang napagsilbihan ng PRC.

Ang naturang problema sa supply ng tubig sa lungsod ng Bacolod ay mula pa noong Enero 4 ng kasalukuyang taon.

Samantala, aabot sa 22,000 litro ng tubig ang unang ipinamahagi ng PRC sa 300 indibidwal sa naturang barangay.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni PRC Chairperson Richard Gordon, sila ay nakapagpakalat ng aabot sa 11 water, sanitation, at hygiene personnel.

Ang mga ito ay may mandato ngang umalalay sa mga naapektuhang residente sa lugar.

Dagdag pa ni Gordon, batid nila ang hirap kapag walang maayos na supply ng tubig.

Maaari din kasi itong magdulot ng problema sa kalusugan lalo na sa mga kabataan.