-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nabigyan na ng pagkakitaan at maaari nang makapagtinda sa night market ang mga naapektuhan sa isinagawang road clearing operation sa Santiago City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sangguniang Panglunsod Member Wolfrando Lugod, Chairman ng Committee on Public Order and Safety at Committee on Public Utilities na maaring sa kanilang lunsod anya ay mayroon nang ordinansang umiiral ukol sa paggamit ng bangketa na lakaran ng mga tao at ang lansangan para sa mga sasakyan.

Sumunod din anya ang pamahalaang lunsod ng Santiago sa pamumuno ni City Mayor Joseph Tan sa kautusan ng DILG na magsagawa ng road clearing operations sa mga road obstruction.

Inatasan din anya siya ng City Mayor upang asikasuhin ang mga nakaparadang tricycle sa paligid ng pamilihang lungsod at dito itinalaga muna pansamantala ang Santiago City Oval na malapit sa palengke upang pagparadahan ng mga namamasadang tricycle.

Pansamantala anyang hiniram ng LGU ang Santiago City Oval na pagmamay-ari ng Dep-Ed.

Pinapayagan naman ang mga triccyle na umikot upang manguha ng mga pasahero ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang pagpaparada sa mga bangketa o gilid ng mga lansangan.

Nakipagtulungan din anya ang pamahalaang lunsod pangunahin na ang City Engineering Office sa clearing operations ng DPWH at nagawan ng paraan upang mapa-atras ang mga illegal structures at mga illegal vendors sa mga bangketa

Mayroon na anyang mapagkakitaan ang mga pinaalis na mga illegal vendors sa mga lansangan dahil magkakaroon na ng night market sa Panganiban Street.

Ang Santiago City ay nakakuha ng high compliance sa isinagawang road clearing operations sa mga road obstruction.