Tiniyak ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Negros Oriental na handa itong magpaabot ng anumang tulong na kinakailangan para sa apektadong mga indibidwal sa Canlaon City dahil sa pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Inihayag ni Gov. Manuel Chaco Sagarbarria na ‘well prepared’ ang probinsiya at gumagawa sila ng paraan para masuportahan ang lungsod ng Canlaon gaya ng tulong sa kagamitan, tauhan, at iba pa.
May mga ini-augment na ring mga ambulansya, mga medisina para sa district hospital ng lungsod na galing sa ibang ospital maging mga doctor.
Maliban sa mga pagkain, hygine kits at tents, nangako din si Sagarbarria na magbibigay ang pamahalaang panlalawigan ng 100 gas mask at may nakahanda na ring 15,000 na N-95 mask.
Ikinatuwa naman nito na dahil sa natanggap na tulong mula sa nasyonal at ibang local government units ay gumaan ang pasanin ng lalawigan.
Samantala, aabot pa sa 1,672 na mga magsasaka sa Canlaon City ang apektado kasunod ng pagputok ng bulkang Kanlaon.
Sa nasabing bilang, 655 ay mula sa Brgy. Pula; 290 sa Brgy. Masulog; 396 sa Brgy. Malaiba; 291 sa Brgy. Lumapao at 40 sa Brgy. Linuthangan.
Plano namang bigyan ang mga ito ng tig-iisang sako ng bigas.