“Welcome” sa korte ang anumang apela ng ilang nahatulang guilty sa Maguindanao massacre case, matapos maibaba kahapon ang guilty verdict laban sa 28 indibidwal at 15 accessories, habang 55 naman ang napawalang sala.
Sa desisyon ni Quezon City RTC Banch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes, iniutos nitong ilipat na ang mga nahatulan mula sa BJMP facility patungo sa New Bilibid Prisons (NBP).
Sa naturang hatol, karamihan sa mga binigyan ng guilty verdict ay mula sa Ampatuan clan.
Partikular na sina dating mayor Andal Ampatuan Jr., dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan at Anwar Ampatuan.
Kaugnay nito, binigyan ng korte ng kalahating buwan ang mga nahatulan upang iapela ang desisyon.
Kaya ngayon pa lang ay binabalangkas na ng kampo ni Andal Jr. ang motion for reconsideration.
Pero maliban sa mga napatawan ng parusa, may iba ring mag-aapela dahil nahihinaan sila desisyon, kagaya ng kampo ng journalist na si Reynaldo Momay, kung saan hindi ito nabigyan ng kompensasyon.
Nabatid na 57 lamang ang kinilalang bilang ng mga namatay sa kaso, sa halip na 58 na isinusulong ng prosekusyon.
Giit kasi ng korte, hindi nakita sa crime scene ang katawan ni Momay, kaya hindi masasabing kabilang ito sa mga pinaslang.