Ikinatuwa ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao ang naging resulta ng produktibong training camp ng national team sa Spain nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay Guiao, marami umano silang napulot na aral at karanasan sa pagharap nila sa mga national squads ng Congo at Ivory Coast.
Bagama’t hindi sila nagkaroon ng tsansa na makadaupang palad ang powerhouse team na Spain, malaking tulong daw ang naging pagtutuos nila ng dalawang African teams upang mabatid kung ano pa ang kailangan nilang ayusin sa koponan.
“Those two teams approximate the Euro teams and also Angola, the African team. We were able to gain that experience, that knowledge, that we set out to do in the first place,” wika ni Guiao.
Nalugod din ang beteranong coach sa pagbuti pa nang husto ng kondisyon ng mga players, na pinalakas pa lalo ng dibdiban nilang twice-a-day practice sa training camp.
Nagpaalala naman si Guiao at ang kanyang coaching staff sa mga players na kahit puspusan ang kanilang ensayo para sa paparating na FIBA World Cup, kailangan pa rin nila ng pahinga upang mapanatili ang kanilang kondisyon.
Maliban sa pagpapanatili ng game shape, marami pa umanong aayusin ang Gilas pagdating sa aspeto ng kanilang taktika para sa World Cup.
Sinabi ni Guiao, gagawa raw sila ng mga adjustments sa depensa base sa nakita nitong performance ng Gilas sa Spain.
“We also were able to strengthen the bonds of the team. We also have a basis now for making some adjustments. We’re running some new plays and making adjustments on defense because of what we were able to see in Spain,” ani Guiao.
“Just keep themselves focused on our purpose, on our practices, on our system. Just keep themselves rested, make sure that their bodies are preserved,” dagdag nito.
“We want to preserve yung gains namin from Spain. Maganda yung conditioning na nakuha namin dun, maganda yung cohesion, yung adjustments ng sistema, yung absorption nila. We don’t want them to forget that, we don’t want them to lose their conditioning that we’ve gained in Spain.”