-- Advertisements --

DAVAO CITY – Dinala ng mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Police Regional Office (PRO-11) ang iba’t ibang klase ng bala at armas kasabay ng kanilang pagsuko dahil sa hirap umano ng kanilang sitwasyon sa bundok.

Pinangunahan ng isang alyas Jofel na nagsisilbing political instructor nang tinaguriang Front Committee 88 ng NPA ang pagsuko nila sa gobyerno dahil hindi na umano nila matiis ang kanilang kalagayan.

Liban dito gusto na rin daw nilang makasama ang kanilang pamilya.

Dala ng kanilang pagsuko ang isang M14 rifle, isang Springfield garand rifle, anti-personnel mine, tatlong M14 magazines, 42 rounds ng 7.62 ammunition, isang clip ng cal. .30 at 9 rounds ng .30 ammunitions.

Ayon pa kay Brig. Gen. Felmore Escobal, regional director ng Police Regional Office (PRO-11), itinuro rin ng mga dating rebelde ang lugar kung saan inilibing ang dalawang napatay nila na kasamahan dahilan kaya pinayuhan ng opisyal ang mga kamag-anak ng mga biktima na maaring makipag-ugnayan sa Provincial Police Office ng Agusan del Sur.