LEGAZPI CITY – Napasakamay ng mga otoridad ang ilang armas, bala at patalim sa isinagawang combat patrol operation sa bayan ng Caramoran, Catanduanes.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, nagtungo sa Brgy Dariao ang mga tauhan ng Caramoran Municipal Police at Catanduanes Police Intelligence Branch kung saan namataan ang limang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA).
Napansin naman ng mga ito ang presensya ng otoridad, dahilan upang mabilis na magpulasan patungo sa iba’t ibang direksyon subalit naiwan ang mga dalang armas.
Kabilang sa narekober ng mga otoridad ang isang caliber .45 pistol na may kargang pitong bala, isang bag na laman ang caliber .9mm pistol at 14 na bala gayundin ang isang itak.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng mga naturang kalalakihan subalit nasa kustodiya na ng mga ito ang narekober na mga armas para sa kaukulang disposisyon.