DAVAO CITY – Nakarekober ang mga miyembro ng militar ng ilang mga armas kabilang na ang high-intelligence value documents matapos ang nangyaring engkuwnetro sa pagitan ng mga miyembro ng komunistang New People’s Army (NPA) sa Sitio Libertad, Barangay Malinawon, Mawab Davao de Oro.
Ayon kay Major Jerry Lamosao, tagapagsalita ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, naka-engkuwentro sa loob ng limang minuto ng operating team mula sa 25th Infantry Battalion (IB) ang 16 na mga NPA fighters na miyembro ng Andoy Platoon, Regional Headquarters, Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) na nag-operate sa ilang mga barangay sa Mawab, Davao de Oro at New Corella, Davao del Norte.
Matapos ang sagupaan, agad na tumakas ang mga rebelde sa hindi malaman na direksiyon.
Sa isinagawang clearing operations, narekober ng mga militar ang dalawang matataas na kalibre ng armas, mga gamit at iba pang subersibong dokumento sa encounter site.
Kabilang rin sa mga narekober ang dalawang M16 armalite rifles at magazines, isang Bandolier, tatlong mga cellphone, walong Poncho, walong backpacks, higit isang sakong bigas, 10 bota at 12 mga Jungle Hammock.
Dagdag pa ni Lamosao na walang naitalang casualty ang natala sa panig ng gobyerno habang hindi pa madetermina ngayon ang bilang ng mga sugatan sa panig ng NPA.
Nasasangkot ang nasabing mga rebelde sa extortion activities sa rehiyon at sila ang humahawak ng financial assets ng Regional Committee.