NAGA CITY – Nakarekober ng mga armas at granada ang militar sa isinagawang operasyon sa Sitio Batangasan, Brgy. San Andres, bayan ng Tanay, Rizal.
Sa ipinadalang impormasyon sa Bombo Radyo Naga ni Capt. Patrick Jay Retumban, chief ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng 2nd Infantry Division Philippine Army, tatlong baril, limang hand grenades at rifle grenade ang narekober ng element ng 80th Infantry Battalion.
Ayon umano kay BGen. Arnulfo Burgos Jr., commander ng 202nd Infantry Brigade, ang nasabing akomplisyemento ay produkto ng pakikipagtulungan sa gobyerno ng mga dating rebelde na sumuko na sa pamahalaan.
Ang nasabing operasyon ay bahagi rin umano ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF ELCAC) 4A’s.
Napag-alaman na ang nasabing mga kagamitan ay mula aniya sa mga itinuturing teroristang grupo na umanoy nangingikil at target ang mga sakahan sa lugar.
Una rito nakakatanggap umano ng mga banta ang mga tao sa nasabing lugar bago pa man makumpiska ang nasabing mga kagamitan.
Naniniwala naman si BGen. Elias Escarcha, acting commander ng 2nd Infantry Division, na naiwan ng mga rebelde ang nasabing mga paraphernalia habang papatakas sa pagdating ng mga sundalo sa lugar.