Nakaalerto na ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng planong nationwide attacks ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa, kaniya nang ipinag-utos sa mga ground commander na palakasin ang kanilang seguridad lalo na sa mga police stations na nasa remote areas.
Giit ni Dela Rosa, inaasahan na nila na maglulunsad ng pag-atake ang rebeldeng grupo lalo ngayon na kinansela ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakatakdang back channel talks sa CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front).
Ibinunyag din ng PNP chief na kaniya nang ipinag-utos na ipamahagi ang nasa 2,900 na armas at libu-libong bala sa iba’t ibang regional police offices sa buong bansa upang magamit na ng mga pulis.
Naniniwala si Dela Rosa na malaking tulong sa mga pulis ang mga nasabing baril at bala lalo na sa pagbibigay ng seguridad sa kanilang mga lugar.
May mga security adjustment na rin ang PNP lalo na sa mga lugar na kilalang NPA infested areas.