BUTUAN CITY – Isasailalim sa ballistic examination sa PNP crime laboratory ang mga nakumpiskang armas sa isinagawang raid bandang alas-6:30 kagabi sa isang bahay sa lungsod.
Una nang kinilala ang suspek na si Zenin Bautista Gilwagan, may asawa at residente ng Bridgetown, Bgry. Villa Kananga sa lungsod ng Butuan upang masuri ang serial number at legalidad ng mga baril.
Ayon kay P/Supt. Tiolejunn Caduyac ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Caraga, may mga dokumentong ipinakita ang suspect para sa nakumpiskang isang kalibre .38 revolver na may limang mga bala sa loob ng sasakyan ni Gilwagan pati na ang isang KG-9 assault pistol may tatlong mga magazines na kargado rin ng bala at accessories sa kwarto nito.
Maliban pa ito sa limang Glock pistols na loaded ng magazine na puno ng mga bala na nasa loob pa ng attache case na may dalawang reserved magazines sa bawat-isang yunit at dalawang boxes ng mga bala ng kalibre .45 na pistola.
Ipapadala rin nila ang nasabing mga armas para sa verification ng mga dokumento nito sa Camp Crame.
Ginawa ang raid base sa search warrant na ipinalabas ng Municipal Trial Court Judicial Regional Branch 2 na nakabase sa Brgy. Libertad sa lungsod ng Butuan dahil sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.