CAUAYAN CITY- Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang Demilitarization o pagsira ng 5th Infantry Division Philippine Army sa mga captured, confiscated at surrendered firearms ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA).
Sa kabuoan ay nasa 31 armas ang kanilang sinira habang 47 nakumpiskang mga baril ang ipinasakamay sa Isabela Police Provincial Office para sa isasagawang clearing.
Ang mga nakumpiskang mga armas ng mga kasapi ng CPP-NPA ay sadyang sinisira upang hindi na magamit o ma-recycle.
Samantala, aniniwala ang 5th ID na patuloy ang paghina ng pwersa ng CPP-NPA sa kanilang nasasakupan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Jekyll Dulawan, Chief Division Public Affairs Offce ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na isa sa nakikitang dahilan at palatandaan sa paghina ng makakaliwang grupo ay ang sunod sunod na pagbabalik loob o pagsuko ng mga rebelde at ang pagkakumpiska ng kanilang mga armas.
Ayon kay Major. Dulawan, dahil sa Whole of the Nation approach ng Pamahalaan katuwang ang iba’t ibang ahensiya ay kapansin pansin na ang pagliit ng teritoryong ginagawalan ng grupo.
Kung matatandaang nagsilbing kuta ng NPA ang JESA Complex sa bahagi ng Southern Isabela subalit dahil sa hirap nang makapasok ang makakaliwang grupo sa San Mariano, Isabela at mga kalapit bayan ay napilitan silang lumipat at umakyat sa northern Isabela.
Samantala, maging sa lalawigan ng Kalinga ay kamakailan lamang ng muling magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng militar at NPA sa barangay Bagtayan, Pasil Kalinga kung saan isang NPA ang nasawi at nakumpiska ang isang M16 armalite rifle, bandolier at transistor radio.