Narekober ng militar ang ilang war materiel at armas na pag-aari ng New Peoples Army (NPA) sa Sitio Aguid, Barangay Agawa, Besao, Mt. Province kahapon ng hapon.
Sa report na inilabas ng 7th Infantry Division, nabatid na ang nagbigay ng impormasyon kaugnay sa mga itinatagong armas at mga war materiel ay ang dating miyembro ng NPA na boluntaryong sumuko sa militar na nakilalang si Antonio Tabling alias Andy.
Ang mga tropa ng 81st Infantry Battalion ang naka rekober sa nasabing mga armas at mga improvised explosive device.
Ang recovery operations ay pinangunahan mismo ni 81st IB commanding officer Ltc. Charles DZ Castillo.
Kabilang sa mga narekober ng mga sundalo ay 1 M16 rifle, 1 M14 rifle, 1 M16 magazine, 7 rounds ng ammunition at dalawang improvised explosive device.
Si Tabling ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Ilocos Sur Provincial Jail dahil sa kasong criminal na kaniyang kinakaharap.
Tiniyak naman ng pamunuan ng 7th ID sa pamumuno ni MGen. Felimon Santos na gagawin ng militar ang lahat ng pamamaraan para mabigyan ng kaukulang tulong ang sumukong rebelde.