LEGAZPI CITY – Naka-quarantine at pinagbabawalan munang lumabas sa kani-kanilang tahanan ang mga atleta at coaches na dumalo sa katatapos pa lamang na Palarong Bicol sa lalawigan ng Masbate.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Education (DepEd) Bicol Dir. Gilbert Sadsad, isa umanong pre-cautionary measure ang limang araw na quarantine upang matiyak na wala sa mga naging kalahok ng palaro ang nagkaroon ng tigdas.
Ayon kay Sadsad, isa kasi ang lalawigan ng Masbate sa may mataas na kaso ng tigdas kung kaya’t kailangan munang silang i-quarantine hanggang matapos ang incubation period at matiyak na negatibo sa nakahahawang sakit.
Dahil dito, limang araw din na wala munang selebrasyon ang mga atleta dahil bawal pa silang makihalubilo sa maraming tao kahit pa nakapag-uiw ang mga ito ng medalya.
Maaalala na noong Marso 2 natapos ang Palarong Bicol kung saan nanguna sa paghakot ng medalya ang Camarines Sur na sinundan naman ng Naga City at Albay.