-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Positibo pa rin ang Team Baguio na masusungkit nila ang kampeonato sa nagpapatuloy na Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet 2019 na ginaganap sa Apayao.

Ayon kay Art Tiongan, education supervisor ng Department of Education (DepEd)-Baguio, ito ay kahit nakakaranas ng Loose Bowel Movement (LBM) ang marami sa mga atleta at coaches ng lungsod.

Naniniwala si Tiongan na ang tubig na iniinom ng mga atleta at coaches ang sanhi ng nasabing sakit.

Aniya, isa rin ang mainit na klima sa Apayao sa mga tinitignang dahilan ng pag-LBM ng mga delegado ng Baguio.

Sa kabila nito, ipinagmalaki ni Tiongan na nananatiling maganda ang performance ng mga atleta ng siyudad.

Ikinuwento nito na may mga atleta na kahit may LBM ay ibinibigay pa rin nila ang kanilang “the best” na performance at pagkatapos ng kanilang laro ay didiretso na lamang sila sa comfort room.

Aniya, maliban sa mga atleta ng Baguio ay nakakaranas din ng LBM o pagtatae ang iba pang mga atleta na nakikilahok sa CARAA Meet 2019.