-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Puspusan na ang pag-ensayo ng mga atletang kwalipikado at kabilang sa Philippine delegation para sa Southeast Asian Games 2023 na gaganapin sa Mayo 5-17 sa Phnom Penh, Cambodia.

Isa sa mga inaabangang laro na makasungkit ng gintong medalya para sa Pilipinas ay ang Pencak Silat kung saan, lima ang atletang mula sa lalawigan ng Aklan na kinabibilangan nina Hanna Mae Ibutnande; Shara Julia Jizmundo; Jasper Jay Lachica; Zandro Fred Jizmundo Jr. at Francine Padios.

Ang nasabing mga atleta ay hinasa at sinala sa ilalim ng Philippine Lighting Speed – Pencak Silat Aklan.

Ayon kay bronze medalist Hanna Mae Ibutnande, kasalukuyan silang naka-isolation training sa Lipa, Batangas sa pangunguna ng Philippine Sports Commission kung saan, magtatagal ang kanilang ensayo hanggang sa makalipad ang mga ito papuntang Cambodia.

Layunin aniya nito na maging mentally at physically fit gayundin capable sila sa kompetisyon dahil ang nasabing laro ay nangangailangan ng grabeng husay at kahandaan para masungkit ng mga ito ang gintong medalya na inaasam-asam para sa bansa.
Kaugnay nito, umaapela ng suporta at dasal sa mga Pinoy ang mga atleta para sa kanilang tagumpay hindi lamang sa larong Pencak Silat kundi maging sa iba pang sporting events na kasali ang Pilipinas upang makauwi ng maraming medalya.

Matatandaan na ang Pilipinas ay nasa pang apat na pwesto sa medal standing na may kabuuang 227 na medalya na kinabibilangan ng 52 gold, 70 silver at 105 bronze medals.