KALIBO, Aklan–Humakot ng medalya ang mga atletang Aklanon sa ginanap na India Taekwondo League 2020 Open International Championships (Virtual Competition) noong December 12-13.
Nagpamalas ng pambihirang galing sina Tracy Johan Retubis; Stephanie Nicole Clemente; Francine Daylle Clarito at Bianca Erycha Mationg para sa Female Junior Individual Poomsae at Female Junior Kyorugi Combinations kaya nasungkit ng mga ito ang apat na gintong medalya at tig-dalawang silver at bronze medals.
Habang napasakamay naman ni Shaun Kiefer Lacanaria ang isang silver medal para sa Male Junior Kyorugi Combinations at isang bronze medal para sa Male Junior Individual Poomsae.
Inilahad ng mga ito na ang puspusang ensayo at pagiging masaya sa kanilang ginagawa ang naging susi sa kanilang tagumpay.
Ang nasabing mga atleta ay pawang mag-aaral ng Regional Science High School for Region VI sa bayan ng Kalibo, Aklan.