Titiyakin umano ng Team Philippines na dadaan na napakasusing screening process ang mga atletang isasabak ng host nation sa darating na 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Una nang nakiusap si chef de mission (CDM) at Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez sa mga national sports associations (NSAs) na isalang lamang sa biennial meet ang aniya’y karapat-dapat na mga atleta.
Sinabi ni Stephen Fernandez, deputy chef de mission ng national team sa panayam ng Bombo Radyo, mayroon silang binuong criteria na magiging batayan ng mga NSAs sa pagpili ng mga atletang kakatawan sa bawat sport.
Kabilang sa kanilang mga criteria ang nilahukang mga international competitions ng mga atleta, gaya ng nakalipas na SEA Games, Asian Games, at mga world championships.
Ayon pa kay Fernandez, hindi nila minamadali ang mga NSAs na makapagsumite ng kanilang line-up upang makapamili ang mga ito nang maayos.
Nasa 95% na rin ng mga NSAs ani Fernandez ang nakapagsumite na ng kanilang listahan ng mga atleta at hinihintay na lamang daw ang iba na ngayong linggo ay magkakaroon na ng pilian.
Sa ngayon aniya, karamihan sa mga atleta ng bansa ay nasa ibang bansa na bahagi na rin ng kanilang preparasyon para sa SEA Games na magbubukas sa Nobyembre.
“So far ongoing pa po ang mga training, meron po tayong ibang mga koponan na lalahok din sa mga international events. Marami po [sa mga atleta natin] ngayon ay [nasa] overseas dahil sa kani-kanilang mga training, at sa paghahanda na rin para sa SEA Games dito po sa Manila,” wika ni Fernandez.