-- Advertisements --

Tiniyak ng International Olympic Committee (IOC) na mapapanatili ng mga atletang kuwalipikado na sa 2020 Tokyo Olympics ang kanilang puwesto kahit na ipinagpaliban ang sporting event hanggang sa susunod na taon.

Ayon kay IOC President Thomas Bach, otomatikong pasok na ang naturang mga atleta sa Olympics na idaraos na sa 2021.

Sa ngayon ay pinaplantsa na ng IOC ang mga paghahanda ukol sa kung kailan at papaano gagawin ang qualifications na na-postpone dahil sa coronavirus outbreak.

Sinabi rin ni Bach na ilalabas ang pasya ukol sa bagong petsa ng Olympics sa susunod na apat na linggo.

Una nang inihayag ng opisyal na lahat umano ng opsyon ay pag-uusapan, at posibleng idaos na lamang ang Olympics sa panahon na hindi lalampas sa summer o tag-init ng 2021.

Sa kasalukuyan, apat na mga Pilipinong atleta ang pasok na sa Olympics, sa katauhan nina Carlos Yulo ng gymnastics, EJ Obiena ng pole vault, at ang mga boksingerong sina Eumir Marcial at Irish Magno.