Kinuwestiyon ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagtatago sa impormasyong nakalabas na ng Pilipinas ang sinibak na si dating Bamban Mayor Alice Leal Guo.
Sa isang press conference, sinabi ng Senador na isang buwan na ang nakalipas bago nalaman na nakaalis na ng bansa si Guo gayong narinig umano niya sa ibang ahensiya na alam nilang nakaalis na ng bansa ang dating alkalde at biniberipika na lamang.
“Isang buwan bago natin nalaman. Ah, narinig ko sa ibang ahensiya na maaga nilang alam, narinig ko sa ibang mga spokesperson ng different agencies (marami raw)..alam na daw nila earlier on bina-validate lang”
Subalit saad ng Senador na dapat naipaalam ito sa publiko kayat nagiging suspicious umano siya kung bakit itinago sa kanila at sa publiko na tila gusto umanong pagtakpan ito.
Samantala, hindi din napigilan ng Senador na magpahayag ng pagkadismaya dahil hindi pa batid hanggang sa ngayon kung paano nakalabas si Guo.
Kinuwestiyon din nito ang inilaang bilyun-bilyong halaga ng intelligence funds subalit nakalusot pa rin ng bansa ang isang Alice Guo sa kabila ng pagbabantay ng mga awtoridad.
Kaugnay nito, sinabi ng Senador na isa ito sa kaniyang tatanungin sa darating na pagdining sa panukalang pambansang pondo para sa 2025 kung anong nangyari sa bilyun-bilyong intelligence fund dahil hindi aniya makita kung paano ito ginugugol.