-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pangamba ang mga otoridad sa bayan ng Malilipot sa Albay matapos na madiskobre ang tatlong baboy na hinihinalang infected ng African Swine Fever (ASF) na itinapon at pinaanod sa ilog ng Barangay San Isidro Ilawod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Alvin Magdaong ng Malilipot MDRRMO, bloated at naagnas na ng madiskobre ang naturang mga baboy na agad na inilibing upang mapigilan ang pagkalat ng posibleng sakit mula rito.

Naniniwala ang opisyal na maaring mula lamang sa barangay ang naturang mga baboy dahil ngayong linggo lang ng isailalim sa culling operation ang mahigit 60 baboy sa lugar matapos na magpositibo sa ASF.

Pinaghahanap na sa ngayon ng mga otoridad ang nasa likod ng i-responsableng pagtatapon ng baboy sa ilog upang mapanagot ito.

Nanawagan naman si Magdaong sa publiko na wag ng tularan pa ang kaparehong insidente na magpapabilis lang sa pagkalat ng virus.