Nananatiling malusog ang mga baboy na naturukan ng bakuna kontra African Swine Fever(ASF), batay sa monitoring ng Department of Agriculture.
Ayon kay DA Assistant Secretary Constante Palabrica, ito ay sa kabila ng limang namatay dahil sa pulmonary disease na wala namang kaugnayan sa ASF.
Sa kasalukuyan ay nakapag-develop na rin aniya ng mga akmang antibodies ang mga baboy na naturukan ng bakuna.
Ito ay magandang senyales na epektibo ang mga bakuna laban sa virus na nagdudulot ng ASF, ayon pa rin sa opisyal.
Unang sinimulan ng DA ang bakunahan sa mga baboy sa dalawang farm sa Lobo, Batangas sa hangaring makontrol ang pagkalat ng ASF.
Patuloy din ang ginagawang pagbabantay sa kalagayan ng mga baboy na naturukan ng bakuna, kasabay ng planong pagpapalawak pa sa bakunahan.