CAUAYAN CITY- Nagsagawa ng culling ang City Veterinary Office sa mga baboy sa tatlong barangay ng Cauayan City na natamaan ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinary Officer ng pamahalaang lunsod ng Cauayan, sinabi niya na kabilang sa mga pinagsagawaan nila ng culling ngayong araw ay ang ilang barangay sa tanap region at west tabacal region.
Nag-umpisa ang pagsasagawa nila ng culling kahapon at tinatayang siyamnapong baboy na ang isinailalim sa culling.
Aminado si Dr. Dalauidao na natatagalan sila sa ilang proseso ng culling katulad ng dokumentasyon dahil pinapafillup rin nila ang mga hog growers ng ilang forms.
Sa kabila nito ay wala namang tumanggi sa isinasagawang culling ng naturang tanggapan.
Aminado si Dr. Dalauidao na kahit anong gawin nila ay may baboy pa ring namamatay bago ang kanilang isinasagawang culling.
Ang mga namamatay na baboy ay ipinapatala na sa mga opisyal ng barangay at isusumite rin nila ang mga nasabing datos sa Kagawaran ng Pagsasaka.