BACOLOD CITY – Kaagad na pinagmulta ang dalawang bading na nagpakita ng kalaswaan kasabay ng Dinagsa Festival sa Cadiz City, Negros Occidental nitong araw ng Linggo matapos sumayaw na nakasuot lamang ng underwear.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Mayor Salvador Escalante, kaagad na pinahanap ang mga bading na kalaunan ay natunton na tubong Silay City at ipinatawag sa kanyang opisina nitong Lunes ng umaga.
Dito ay sinermonan ng alkalde ang dalawa dahil sa pambabastos sa festival at kay Señor Santo Niño.
Hindi naman napigilan ng dalawa na umiyak habang pinapagalitan ng mayor.
Binigyan din sila ng novena upang magdasal araw-araw.
Nag-isyu ang dalawa ng public apology ngunit dahil nilabag ng mga ito ang ordinance against acts of rudeness ng lungsod, nagmulta ang mga ito ng P3,000.
Hindi naman sila nagcommunity service dahil pumayag ang mga ito na magbigay ng public apology.
Nanawagan naman si Escalante sa ibang pang indibidwal na nagbitbit ng mga plakard na may malalaswang salita na lumabas at aminin na ang kanilang kasalanan.
Ayon sa alkalde, magsasampa sila ng kaso kung hindi lulutang ang isang babae at isa pang lalaki upang mag-issue ng public apology.