CENTRAL MINDANAO-Binigyan na lamang hanggang kagabi ang mga transient people na naninirahan sa harapan ng Kabacan Pilot Central School sa bayan ng Kabacan Cotabato.
Mismong si Kabacan Municipal Adminiatrator Ben Guzman ang nanguna kasama ang MSWDO Representative Farrida Malangan at kapulisan sa pangunguna ni Chief of Police Major Irish Hezron Parangan sa pagbigay ng ultimatum sa mga ito.
Ayon kay Guzman, kailangang lisanin ng mga ito ang nasabing lugar bago pa sumapit ang alasais ng umaga ngayong araw December 2, 2021.
Ito na rin ay upang mailayo ang mga ito sa nagpapatuloy na pandemya sa bayan.
Maayos namang tinanggap ng mga ito ang payo ng lokal na pamahalaan.
Abot sa mahigit dalawampong mga transient settlers na kinabibilangan ng mga babae, lalaki, at mga bata ang nasabing grupo.
Napagalaman din na ang mga ito ay mula sa Cotabato City, Iligan, Tacurong, Davao City,, at General Santos City.
Inaasahan naman na magsasagawa ng mabusising paglilinis at disinfection ang LGU katuwang ang MENRO, Sanitary, at BFP.
Bagamat nakakaawa ang mga ito ipinaliwanag ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. na ito na rin ay upang mapanatiling malinis ang lugar lalo pa’t nagiging antayan ito ng mga bumabyahe.
Nakakatanggap na rin umano ang tanggapan ng mga reklamo mula sa mga residente na marumi at mabaho na ang nasabing lugar.