Nakatakda nang manumpa ngayong araw ng Linggo, Hunyo 30, ang bagitong mga alkalde sa Metro Manila na nagbuwal sa ilan sa mga itinuturing na mabibigat na pangalan sa pulitika sa kani-kanilang mga lugar.
Ngayon kasi ang opisyal na pagtatapos ng mga kasalukuyang nanunungkulan sang-ayon sa probisyon ng Saligang Batas.
Manunumpa si Manila Mayor-elect Isko Moreno kay Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin na idaraos sa Bulwagang Villegas ng Manila City Hall.
Ayon kay incoming secretary to the mayor Bernie Ang, matapos ang seremonya ay haharapin ni Moreno ang kanyang mga tagasuporta at empleyado ng Manila City Hall na sasaksi sa okasyon sa balkonahe sa City Hall Quadrangle.
Si Moreno, na dati ring vice mayor ng kabisera ng bansa, ang siyang tumapos sa pangarap ni dating Pangulo at outgoing Manila Mayor Joseph Estrada na magwagi para sana sa kanyang ikatlo at huling termino bilang alkalde.
Samantala, si Pasig Mayor-elect Vico Sotto, na tumapos sa 27-taong pamumuno ng angkan ni outgoing Mayor Robert Eusebio sa lungsod, ay manunumpa rin sa Pasig Sports Complex.
Sa San Juan, uupo na rin ngayon bilang alkalde si dating vice mayor Francis Zamora na siyang pumutol sa limang dekadang pamumuno ng mga Estrada sa siyudad makaraang talunin nito si Janella Ejercito-Estrada, anak ni dating Sen. Jinggoy Estrada.
Habang sa lungsod naman ng Taguig, iprinoklamang alkalde ang direktor na si Lino Cayetano makaraang makalikom ng 170,809 boto, higit pa sa nakuhang boto ng nakatunggali nitong si Taguig-Pateros Rep. Arnel Cerafica na mayroon lamang 108,050.
Manunungkulan na rin sa Quezon City si incumbent Vice Mayor Joy Belmonte, kapalit ni outgoing Mayor Herbert Bautista na natapos na ang tatlong termino sa puwesto.
Tinalo ni Belmonte noong halalan si 1st District Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo at dating Rep. Chuck Mathay.
Simula na rin ang ikalawang termino ni Abby Binay bilang mayor ng lungsod ng Makati matapos na magapi nito ang kanyang kapatid na si Junjun, samantalang nagwagi naman si Imelda Calixto-Rubiano bilang alkalde ng Pasay City.
Ang iba pang mga incumbent city mayors na ipagpapatuloy ang kanilang termino ay sina Jaime Fresnedi ng Muntinlupa, Rex Gatchalian ng Valenzuela, Antolin Oreta ng Malabon, Imelda Aguilar ng Las Piñas at Carmelita Abalos ng Mandaluyong.
Nitong Huwebes nang atasan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang mga district comamnders na tiyakin ang sapat na security preparations para sa oath-taking ceremonies ng mga uupong Metro Manila mayors.
Sinabi ni NCRPO chief P/MGen. Guillermo Eleazar, mayroong minimum na 90 police officers at personnel ang ipapakalat upang bantayan ang oath-taking rites sa kada siyudad.