Ipinagmalaki ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar na may tinatawag na night-vision capability ang mga binili nilang body-worn cameras (BWCs) para sa iba’t ibang police operations.
Kabilang sa kakayahan ng nasabing mga camera ay ang posibilidad na ma-detect o matukoy ang isang object mula sa ground ng hanggang 10 metro ang layo.
Ayon sa PNP chief, malaking tulong ang body camera lalo na kung ang ikakasang police operation ay magaganap sa gabi.
“‘Yung mga police operations kasi ay walang pinipiling oras yan at lugar. Basta natunugan ng ating operatiba ay sugod kaagad. But this time para dun sa mga mabibigyan, they must ensure na nakakabit ang body cameras at naka-on,” ani Eleazar.
Dagdag pa ni Eleazar na ang mga body worn cameras ay water-proof at kaya makapag-record ng audio at video sa loob ng walong oras na patuloy na operasyon.
Maaari lamang patayin ang body camera kapag tapos na ang operasyon.
Nabatid na nasa 22,696 BWCs ang binili ng PNP at ibinihagi na ito sa 171 police stations.
Sa nabanggit na bilang, 20 ang para sa police officers sa bansa, 108 sa city police stations, limang lolice district sa National Capital Region Police Office, 15 city at municipal stations sa Metro Manila kabilang ang 23 himpilan.
Samantala, plano pa nilang bumili ng 30,000 BWCs para mabigyan na rin ang lahat ng police stations at units sa buong bansa.
Pasok dito ang Mobile Force Battalions, National Operating Support Units gaya ng Special Action Force, Maritime Group, Criminal Investigation and Detection Group, Anti-Kidnapping Group at Highway Patrol Group.
“Napakalaki pang budget ang kailangan dito pero tayo ay umaasa na makakuha tayo ng suporta sa Kongreso sa mga darating na taon upang mawala na talaga ang pagdududa sa lahat ng operasyon na gagawin ng ating kapulisan,” wika ni Eleazar.