Nakatakda nang buksan sa huling bahagi ng buwan ng Abril ang dalawang karagdagang istasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT2) na magpapalawak sa operasyon ng rail line sa lalawigan ng Rizal.
Sa isang pahayag, sinabi ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na magsisimulang tumanggap ng mga mananakay ang LRT2 East Extension project sa darating na Abril 27.
Paglalahad pa ng LRTA, magkakaroon muna ng soft opening sa Abril 26 ang dalawang bagong istasyon – ang Marikina Station at ang Antipolo Station – at mag-uumpisa na ang operasyon nito kinabukasan.
Nasa 93.42% na rin daw na kumpleto ang nasabing proyekto.
Malaking tulong aniya ang dalawang bagong istasyon sa mga commuters mula Recto sa Maynila papuntang Masinag, Antipolo, at pabalik.
Magiging 40 minuto na lamang din daw ang oras ng pagbiyahe mula Recto pa-Masinag mula sa tatlong oras sakay ng bus o jeep.
Sa oras na makumpleto, kaya aniyang mag-accomodate ng P2.27-billion LRT2 East Extension ng karagdagang 80,000 pasahero araw-araw.