-- Advertisements --

Plano ng Philippine Navy na ideploy sa West Philippine Sea at Northern Luzon ang mga bago at modernong barkong pandigma ng bansa.

Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang deployment ng mga naval asset sa Western at Northern Luzon side ng Pilipinas ay upang mapalakas ang maritime presence ng bansa sa mga ikinukunsiderang strategic area.

Nakapaloob din ito aniya sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) na nagsisilbing gabay ng Armed Forces of the Philippines.

Sa ilalim ng CADC, tungkulin ng militar na bantayan ang buong teritoryo ng Pilipinas, kabilang na ang 200-nautical miles exclusive economic zone(EEZ) nito.

Dito ay may mga unified command na responsable para sa western at northern seaboard ng bansa – Western Command na nakabase sa Palawan, at Northern Luzon Command na nakabase sa Tarlac.

Ayon kay Trinidad, ang mga bagong naval asset na inaasahang maidadagdag sa Philippine Fleet ay inaasahang magpapalakas sa presensiya ng bansa sa mga naturang karagatan, kasama na ang mga karagatang nasa ilalim pa rin ng EEZ ng Pilipinas.

Ngayong buwan ng Abril, inaasahang dalawang guided-missile ang darating sa Pilipinas mula sa South Korea.

Ang mga ito ay ang BRP Diego Silang (FFG-07) at BRP Miguel Malvar (FFG-06) na parehong may anti-surface, anti-submarine, at anti-air warfare capabilities.