-- Advertisements --

Naniniwala si Sen. Risa Hontiveros na nais lamang na i-distract ng administrasyon ang publiko sa pagbaligtad ng pahayag ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy na idinadawit na ang Liberal Party (LP), si Sen. Antonio Trillanes IV at ang iba pang personalidad.

Napuna ni Hontiveros na noong si Pangulong Rodrigo Duterte at si incoming Senator Bong Go ang idinadawit ni Bikoy sa operasyon ng iligal na droga, sinasabi ng administrasyon na walang kridibilidad ang alegasyon ni Bikoy.

Subalit ngayon, na ang LP at ilang miyembro ng oposisyon ang isinasangkot ni Advincula sa likod ng kontrobersyal na video para ibagsak ang Pangulong Duterte, bigla na lamang nagkaroon ng kridibilidad itong si Bikoy sa mata ng mga nasa gobyerno.

Sa pahayag naman ni Sen. Panfilo Lacson, pinuna nito ang paggamit ng PNP sa kanilang venue para sa panibagong akusasyon ni Bikoy na idinadawit ang oposisyon.

Ayon kay Lacson, bilang dating PNP Chief mas pagtutuunan nito ng oras na i-countercheck ang bagong alegasyon ni Bikoy kung may kridibilidad ang pahayag nito, sa halip na ubusin ang oras sa pagharap sa publiko gamit ang resources ng PNP.