Pinangunahan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang programa para sa turnover ng mga bagong printing machines at paglilimbag ng test ballots nitong Sabado.
Isinagawa ito kaninang umaga sa National Printing Office (NPO) sa Diliman, Quezon City.
Ayon kay Garcia, sa mga susunod na linggo ay magiging puspusan na ang pag-imprenta ng mga balota, kaya mahalagang maihanda na ang mga pasilidad para sa full blast election preparations.
Pero binigyang diin nito na kahit nagkakaroon ng filing ng certificate of candidacy noong unang bahagi ng Oktubre, tuloy-tuloy naman talaga ang bidding process ng mga binuong lupon ng poll body.
Layunin nitong hindi madiskaril ang paghahanda sa halalan kahit may malalaking kaganapan.
Maging sa panahon pa nga ng bagyo ay may mga pulong pa ring dinadaluhan ang mga namumuno sa komisyon.
Sa araw ng pananalasa ng tropical storm Kristine, nasa Central Visayas umano ang mga opisyal at tauhan ng Comelec para magsagawa ng information campaign, kung paano gagamitin ang makina at mga hakbang upang ma-check ang status ng ating pagiging botante.
Samantala, nagpa-alala naman si Garcia na sa araw ng eleksyon, isang balota lamang ang nakalaan para sa botante kaya dapat maging maingat ang bawat isa.
Hindi ito maaaring hawakan kung basa ang kamay, marumi o may tinta, dahil maaaring maapektuhan ang ating pagboto.
Wala din umanong ilalaan na maraming extra ballots dahil dagdag na gastos iyon para sa printing process.