-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni Bombo International News Correspondent Savanna Pellazar, isang Nurse Attendant mula sa Bangkok, Thailand, na ang mga newborn babies o mga bagong silang na sanggol ay kabilang sa mga inilikas mula sa kanyang pinagtatrabahuan sa isang pribadong ospital sa Thailand matapos ang napakalakas na lindol.

Ayon sa kanya, nang maramdaman nila ang malakas na lindol, sa halip na iligtas muna ang sarili ay agad nilang inilabas sa ospital ang mga bagong silang na sanggol upang maiwasan ang posibleng pinsala sa kanila.

Aniya, tumagal ang lindol ng humigit-kumulang 15 minuto at tila’y nagsasayaw ang ospital na kanyang pinagtatrabahuan kasama ang mga katabing gusali.

Paliwanag niya, dahil sa takot at pangamba na magkakaroon pa ng aftershocks, mas pinili muna nilang matulog sa simbahan kaysa sa hotel na kanilang tinutuluyan.

Kaugnay dito, ayon kay Mrs. Madelaine Pellazar, ina ni Savanna at nagtatrabaho bilang isang Nurse sa Thailand na half day ang kanilang trabaho kahapon dahil sa malakas na lindol ngunit agad ding bumalik sa normal ngayong araw.

Idinagdag niya na sa kabila ng insidente, ang mga mag-aaral sa Thailand ay itinuturing na masuwerte dahil walang pasok sa mga paaralan sa ngayon.

Napag-alaman na nasa ika-walong palapag si Savanna nang lumindol ng malakas dahil inihatid niya ang isang pasyente.

Samantala, hindi rin masyadong naapektuhan ang mga serbisyo ng kuryente at internet access connection.

Sa ngayon, kasalukuyang isinasagawa ang rescue at retrieval operations sa mga gumuhong bahay at gusali dulot ng malakas na lindol.

Nauna rito, niyanig ng magnitude 7.7 na lindol ang Myanmar, na ikinamatay ng mahigit 100 indibidwal at ikinasugat ng mahigit 700 katao.