LEGAZPI CITY – Nagsagawa ng validation sa mga kabahayan na may volcanic hazard mula sa Bulkang Mayon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Sto. Domingo, Albay.
Ito ay upang maiiwas ang mga residente sa peligro sakaling may mga aktibidad ang bulkan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sto. Domingo MDRRMO head Engr. Edgar Balidoy, tuloy-tuloy itong isinasagawa sa bawat taon lalo na kung may mga kusang lumalapit upang mag-avail ng relocation.
Napag-alamang nasa limang barangay sa bayan ang nasa danger zones ng bulkan, hindi lamang sa pyroclastic at lava flow kundi maging sa pagbaba ng lahar deposits.
Ayon pa kay Balidoy na mayroon nang nasa 100 hanggang 130 units para sa mga nais nang magpa-relocate habang hawak na rin ang listahan ng tanggapan para sa validation.
Samantala, nakapag-relocate na rin ng nasa 20 hanggang 30 pamilya sa nakahanda nang bahay sa resettlement site.
Tiniyak naman ng opisyal na may pinirmahang kontrata ang mga ito upang sila mismo ang gumiba sa sariling bahay at hindi na bumalik pa sa risk area.