GENERAL SANTOS CITY – Inilikas na ang mga residente sa Barangay Dadiangas West nitong lungsod matapos na hinampas ng malakas na alon dahil sa patuloy na pag-ulan simula kaninang madaling araw.
Ayon kay Kapitan Aying Acharon, apat na purok sa Dadiangas West na kinabibilangan ng Purok Tinago, San Vicente, Silway San Roque at San Juan, ang apektado sa malalakas na hampas ng alon kung saan ilang kabahayan ang partially damaged at inilikas sa covered court nitong lungsod.
Mayroon na ring nasirang lantsa na nakadaong sa Purok Tinago.
Sa ngayon, patuloy pa ang monitoring ng City Disaster Risk Reduction Management Office sa mga coastal areas sa lungsod para malaman ang kabuuang pinsala sa mga bahay na nasa tabi ng dagat.
Samantala, sinuspinde ang klase sa lahat ng lebel sa elementarya at high school mapa-publiko o pribadong paaralan sa GenSan at Alabel Sarangani Province.
Iilang mga daan kasi ang binaha partikular sa Amao Road Bula at Yumang Street, pati na sa Baluan area sa GenSan.