Marami pa rin ang humahabol para makapagbakasyon kahit patapos na ang lenten break.
Batay sa data ng Department of Transportation (DOTR) Malasakit Help Desk, pumalo sa mahigit 100,000 ang bumuhos kanina sa mga pantalan.
Ang mga ito ay pawang outbound passengers o palabas sa mga pangunahing syudad at bayan.
Pinakamaraming byahero ay naitala sa Western Visayas – 18,087; pangalawa sa Central Visayas – 17,355 at pangatlo sa Southern Tagalog – 15,177.
Inaasahang magsisimula ang buhos ng inbound passengers sa darating na Linggo ng gabi.
Tiniyak naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi nila napapabayaan ang ibang trabaho, kahit karamihan sa kanilang mga tauhan ay nakatutok sa mga pantalan.
Ayon kay Coast Guard spokesman Capt. Armand Balilo sa panayam ng Bombo Radyo, ginamit nila ang auxiliary force para idagdag sa pwersa at magawa pa rin nila ang pagpapatrolya sa mga baybaying sakop ng ating teritoryo.