-- Advertisements --

Pinapayagan na ng gobyerno na mamili ng ibang brand ng mga bakunang aprubado ng World Health Organization ang mga indibidwal na kumpleto nang nabakunahan ng Sinovac vaccine.

Sa isang panayam kay National Task Force Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., hinihintay na lamang ng kanilang kagawaran na maaprubahan ang amyendang ito ng mga manufacturers ng COVID-19 vaccine.

Ani Galvez, inaasahang ilalabas ng World Health Organization-Strategic Advisory Group of Experts on Immunization (WHO-SAGE) ang final guidelines sa publiko ukol dito sa kalagitnaan ng buwan ng Nobyembre o sa darating na Nobyembre 15 kapag ito ay tuluyan nang maaprubahan ng Food and Drug Administration na agad namang ipatutupad ng pamahalaan.

Uunahin na bakunahan ng third shot o booster shot ang mga health workers at immunocompromised atsaka naman sunod na babakunahan ang iba pang mga priority sectors.

Matatandaan na una nang inaprubahan ng Department of Health ang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang pagbibigay ng booster shots sa mga healthcare workers at senior citizens anim na buwan matapos silang mabakunahan habang 28 araw naman matapos ang complete vaccination maaaring mabigyan ng booster ang mga immunocompromised patients.

Sa pagpapaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang booster vaccine ay ibinibigay sa mga indibidwal na humina ang immune system nang makatanggap ng kumpletong bakuna laban sa Covid-19 habang ibinibigay naman ang third shot bilang bahagi ng primary series upang lalong mapalakas ang immune response ng isang tao. (Marlene Padiernos)