KORONADAL CITY- Nagbabala si Mayor Clemente Fedoc ng Norala, South Cotabato laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na tumutulong sa mga evacuees sa kanilang lugar ngunit nanghihikaya’t pala at nagsasagawa ng recruitment upang maging kasapi ng Bagong Bansang Maharlika 9BBM) International Inc. (BBMII).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Fedoc, inihayag nito na nagpaalam ang nagpakilalang coordinator ng BBMII sa kaniyang tanggapan at nagpakita pa ng registration ng SEC dahil lehitimo umano ang kanilang grupo.
Nagdala umano ng mga goods ang nabanggit na grupo at nagpahayag na ipamimigay sa mga bakwit na naging apektado ng landslide sa Sitio Lamfugon, Barangay Tinago,Norala, South Cotabato.
Ngunit sa halip na ibigay agad ang goods at food packs ay hinihikaya’t muna ng mga ito ang mga bakwit na magparehistro sa kanilang grupo.
Kaya’t ang nangyari, sinita sila ng MSWDO at pinagpaliwanag kung bakit hindi sila nakipag-coordinate sa tanggapan sa distribution ng food packs sa mga evacuees.
Todo tanggi naman ang grupo na masama ang kanilang hangarin dahil nais lamang umano nilang tumulong.
Matatandaan na naglabas na ng advisory ang Enforcement and Investor Protection Department (EIPD) ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa BBMII na nagsasagawa ng operasyon sa Davao Region, SOCCSKSARGEN, Cotabato City at Maguindanao Provinces at binalaan ang mamamayan sa Soccsksargen na huwag magpaloko sa nabanggit na grupo na ginagamit ang Maharlika Inevstment upang makapangolekta ng pera.