DAVAO CITY – Tiniyak ni Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez na kailangan mabigyan na ng aksiyon sa Kongreso ang problema ng mga lumad na nananatili ngayon sa UCCP-Haran sa Father Street sa lungsod.
Ayon sa opisyal, matagal na ang isyu ng mga lumad na sinasabing lumikas sa kanilang komunidad dahil umano sa gulo at militarisasyon kahit wala itong katotohanan.
Malaki ang paniniwala ni Alvarez na posibleng ginamit lamang ang mga lumad para makapanghingi ng pondo ang mga progresibong grupo sa ibang bansa na siyang dahilan ng pagmamatigas ng mga nito na umuwi sa kanilang komunidad.
Muling inihayag ng opisyal na kailangan ng umuwi sa kanilang mga lugar ang mga lumad dahil may nakahandang tulong ang gobyerno para sa mga ito.
Kung maalala, una nang nagkagulo sa UCCP-Haran sa nakaraang araw matapos na sinubukan ng mga tribal leaders na i-rescue ang kanilang mga kamag-anak na matagal na umanong nasa evacuation center.