CENTRAL MINDANAO – Tinulungan ng lokal na pamahalaan at provincial government ang mga pamilya na lumikas sa probinsya ng Cotabato.
Umaabot sa 79 pamilya mula Datu Paglas, Maguindanao ay lumikas sa Barangay Dunggoan, M’lang, Cotabato.
Dahil sa pinaigting na calibrated law enforcement operation ng Joint Task Force Central laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay lumikas ang mga sibilyan patungong M’lang para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Sinabi ni M’lang MDRRM head Bernardo Tayong na agad na nagpadala ng team ang LGU at provincial government para sa profiling ng mga indibidwal.
Dito ay nagpaabot ng unang tulong ang PDRRM at lokal na pamahalaan ng M’lang sa mga bakwit.
Nagpaabot na rin ng tulong ang ministry of Social Services and Development ng BARMM Government.
Bukod sa Barangay Dungoan ay may mga lumikas din sa Barangay Inas, lepaga at Gaunan.
Sa ngayon ay patuloy ang pagtutok sa mga lumikas lalong lalo na sa kanilang kalusugan dahil ang iba sa kanila ay nagkakasakit na.
Iniiwasan ding magkahawaan ng COVID-19 dahilan para mahigpit ang profiling sa health condition ng mga residente.