-- Advertisements --

Isinagawa ngayong araw sa National Printing Office (NPO) ang pag-aayos ng mga balota na hindi na magagamit pa para ilipat sa COMELEC Warehouse sa Sta. Rosa, Laguna. Sa warehouse pansamantala muna ilalagay ang mga balota bago sirain at i-recycle.

Ipinahayag ni COMELEC Director Engr Thaddeus Hernan na inumpisahan na ngayong araw ang paglilipat ng mga balota mula sa National Printing Office (NPO). Aniya, ang gagamitin sa paglilipat ng mga balota ay ang closed truck ng COMELEC na sasamahan din ng security ng komisyon at Police Security and Protection Group (PSPG) sa mismong biyahe upang matiyak pa rin ang seguridad at integridad ng mga balota kahit na ito ay itatapon na. Kasama rin sa mga ililipat ang mga paper trimmings ng balota, pagtitiyak ito ng komisyon na walang maiiwang bakas na maaaring magamit sa ibang pakay na may kaugnayan sa balota.

Dagdag pa niya na aabutin ng 5-6 na araw ang naturang paglilipat ng nasa 6 Milyong mga balota dahil kada araw ay nasa 3 tonelada o mahigit 200,000 lamang na mga balota ang kayang dalhin ng truck.

Kaugnay pa nito, bago ipadala sa warehouse ay dadaan muna sa proseso ng physical verification ang mga balota, dito matutukoy kung ito ba ay mga good ballots dahil ito lamang ang papabayaran sa Miru Systems. Kasunod nito ay ang pag-iinventory na ng bawat balota para malaman ang bilang bago i-pack at ililipat na ito sa warehouse para doon muna itabi.

Sinabi rin ni COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na mula sa plano nila na isheshred ang mga sisirain na mga balota, ito ay dadaan na sa proseso ng paper melting para ma-recycle pa ang mga balota, alinsunod ito sa regulasyon ng National Archives of the Philippines.