Iniulat ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commo. Roy Vincent Trinidad na may namataang maliliit na bangka ng China ang nagpapalagaw-lagaw sa bisinidad ng Ayungin Shoal sa West Phillipine Sea.
Aniya, batay sa kanilang monitoring at mga impormasyong nakalap ay nagmula ang naturang maliliit na bangka sa tatlong Chinese research vessel na una nang namataan sa Ayungin shoal.
Batay sa mga larawang inilabas ng naturang opisyal, noong Abril 21, 2024 ay namataan ang 4 na sampan at 2 rigid hull inflatable boat (RHIB) ng China na nangongolekta ng water sample sa layong isang kilometro mula sa BRP Sierra Madre.
Bilang tugon, nagdeploy ang BRP Sierra Madre ng 2 RHIB para i-monitor ang aktibidad at palayasin ang mga ito sa naturang lugar na nasasakupan ng teritoryo ng Pilipinas.
Kasunod nito ay agad namang nilisan ng mga bangka ng China ang lugar na walang insidente.