-- Advertisements --

Kinumpirma ng British police na Chinese nationals ang 39 na bangkay na natagpuan sa loob ng isang truck sa UK industrial park noong Miyerkules.

Sa inilabas na pahayag ng Essex Police, walo umano sa mga bangkay ay puro babae habang 31 naman ang lalaki.

Sa ngayon ay inaalam pa raw ng mga ito ang dahilan ng kanilang pagkamatay at kinakailangan pang isailalim ang mga katawan sa coroner’s process bago nila subukan na isa-isahin ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Hindi rin daw sila sigurado kung gaano katagal ang nasabing proseso.

Kinilala ni Paul Berry, local councilor ng Armagh sa Northern Ireland, ang di-umano’y suspek na si Morris Robinson.

Ayon naman kay Essex Police Deputy Chief Constable Pippa Mills, prayoridad muna nila ngayon ang makakuha ng impormasyon tungkol sa mga biktima at kung saan sila nanggaling. Naglunsad din ang mga otoridad ng helpline para sa mga kapamilya ng mga biktima na nais kumpirmahin ang identification ng mga ito.

Ang nasabing industrial estate kung saan natagpuan ang truck ay kilala dahil sa logistics at courier companies.

Bukas naman ang tanggapan ng Britsih Red Cross upang tumulong sa identification process at magbigay suporta na rin sa pamilya ng mga biktima.

“I can’t overstate how big a tragedy it is that 39 people felt like they had no better option than to get in the back of this truck and obviously it’s ended in an absolute tragedy,” saad ni Matthew Carter, emergency communications delegate ng British Red Cross.

Dagdag pa ni Carter, handa rin ang naturang charity na magbigay ng tulong sa forensic team na magsasagawa ng imbestigasyon.