BAGUIO CITY – Nakilala na ang tatlong armadong kalalakihan na napatay matapos silang makipagbarilan sa mga pulis sa La Trinidad, Benguet, Biyernes nitong nakaraang linggo.
Ayon sa pulisya, ang unang bangkay na nakasuot ng puting sweatshirt at jogging pants ay si Marvin Velasco Almeida.
Kinilala siya ng kanyang kapatid na babai na si Mary Grace Almeida Mori.
Ayon dito, umaga ng December 9 nang sinundo ng nagngangalang Bigboy ang kapati nito na si Marvin Almeida hanggang sa hindi na nila alam kung saan nagtungo ang mga ito.
Nakilala naman ang ikalawang bangkay na nakasuot ng light brown jacket, gray shirt at faded black maong pants sa pamamagitan ng kanyang asawa na si Katrina Mae Manalastas.
Nakilala itong si Bart Ma. Niño Punu Bartolo.
Sa salaysay ni Mrs. Manalastas, huling nakausap niya noong umaga ng December 8 hanggang sa hindi na nila matawagan ang cellphone nito.
Aniya, narekober sa Quezon City ang motorsiklo na nirentahan ni Bartolo.
Nakilala naman ang ikatlong bangkay na si Rolando Guevarra Mendoza sa pamamagitan ng live in partner nito na si Susana Paguio.
Ayon dito, umaga ng December 8 ay nagpaalam si Mendoza na tutungo ito kay Bartolo hanggang sa hindi na ito umuwi.
Sa ngayon, iniuwi sa Mabalacat, Pampanga ang bangkay ni Marvin Almeida habang iniuwi sa Mexico, Pampanga ang bangkay ni Mendoza at isinailalim naman sa cremation ang bangkay ni Bartolo bago iniuwi sa Pandacaqui, Mexico, Pampanga.
Maaalalang nagsasagawa ang mga pulis ng intelligence monitoring hinggil sa natanggap nilang impormasyon na may isang criminal group na umakyat dito sa nasasakupan ng Cordilleras.
Dalawang beses naman na nakatanggap ng tawag ang mga pulis mula sa mga concerned citizens sa La Trinidad hinggil sa presensya ng isang pulang sedan na paikot-ikot sa kanilang lugar sa dis-oras ng gabi.
Tumugma ang description ng inireport na sasakyan sa sasakyan na isinasailalim sa intel monitoring kaya nagpatulong sila sa mga personnel ng La Trinidad Municipal Police Station para sa pag i-inspeksyon sana sa mga lulan ng subject vehicle.
Gayunman, biglang nagpaputok ng baril ang lulan ng kotse bago sila tumakas na nagresulta ng hot pursuit operation hanggang sa bumangga ang kotse sa gilid ng daan kaya napalibutan ito ng mga pulis.
Sinabihan ang tatlo na sumuko na ang mga ito ngunit tinangka pa rin nila na tumakbo patakas kasabay ng pagpapaulan nila ng bala sa mga pulis.
Gumanti ang mga pulis na nagresulta sa agarang pagkamatay ng dalawa sa mga suspek habang dead on arrival sa pagamutan ang ikatlong suspek.
Isinailalim na rin sa ballistic examination ang tatlong high-powered na caliber 45 pistol na nakumpiska mula sa tatlong indibidual.