CAUAYAN CITY – Nababahala at naghahanda na ngayon ang mga kalapit na bansa ng Russia maging ang mga Scandinavian countries dahil sa banta ng biochemical attack sa Ukraine.
Iniulat ni Bombo international news correspondent Atty. Gerlie Gonito na kamakailan lang nang matagpuan ang laboratoryong suspetsang gumagawa ng biochemical weapon sa Ukraine.
Una nang pinaratangan ng Russia ang US na siya umanong nasalikod ng paglikha ng naturang lethal weapon subalit, batay sa pagsisiyasat na ginawa ng United Nations natukoy na ang laboratoryo ay pag-aari mismo ng Russia.
Nagbabala na rin sa publiko si UK Prime Minister Boris Johnson na maghanda dahil sa inaasahang pagpapasabog daw ng Russia ng biochemical weapon.
Una na rin umanong nagbabala si Putin sa western countries na kung magpapatuloy ang mabibigat na sanctions ay maglalabas na ang Russia ng biochemical at nuclear weapon.
Matatandaan na nagkaroon din ng peace talk sa pagitan ng dalawang bansa subalit nanatiling agresibo ang Ukraine na labanan ang mga Russian forces na patuloy namang inaayudahan ng US at UK sa mga armas, bala at food supply.
Marami na ring mga Pilipino sa UK ang nagnanais na ring makauwi sa Pilipinas dahil sa maraming industriya na ang naapektuhan maging ang food supply at delivery ng iba pang goods, idagdag pa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sa ngayon katumbas na ng P200 ang kada litro ng gasolina sa UK na resulta ng ginawang pagpapatigil ng supply na nagmumula sa Russia dahil sa 30% to 40% ng supply ng gasolina sa UK ay nanggaling sa naturang bansa.