Maaaring maging subject sa intelligence investigation ang mga banyagang estudyante na ang mga aktibidad ay banta sa seguridad ng estado ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ito ay base sa Executive Order No. 285 series 2000 para masuri ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga banyagang estudyante.
Sa ilalim ng batas, maaari lamang mag-isyu ang BI ng student visas sa foreign nationals na inendorso ng mga lehitimong paaralan at ng Commission on Higher Education (CHED).
Lahat naman ng paaralan na mayroong dayuhang mga estudyante ay kailangang magsumite ng reports sa BI, CHED at NICA na siyang magmomonitor sa visa compliance ng mga foreign student, pagtalima din sa mga polisiya sa edukasyon gayundin magsasagawa ng imbestigasyon sa mga kahina-hinalang aktibidad.
Inisyu ng BI ang naturang pahayag sa gitna ng pagkaalarma ng ilang sektor sa umano’y dumaraming presensiya ng Chinese students sa lalawigan ng Cagayan na malapit sa Taiwan na patuloy na inaangkin ng China.
Ayon naman sa BI, nasa kabuuang 1,516 Chinese nationals ang nabigyan ng student visas sa Cagayan noong 2023, lahat ng mga ito ay inendorso ng isang malaking unibersidad sa PH.
Ipinaliwanag naman ng BI na posibleng maiuugnay ang pagtaas ng mga estuyante sa post-pandemic rebound gayundin dahil sa agresibong marketing ng mga eskwelahan at ahensiya ng gobyerno para mapalakas ang educational tourism ng PH.