(Update) Kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention ang isinampa ng Philippine National Police (PNP) sa 44 na Chinese at Malaysian national na sangkot sa pangingidnap ng kanilang mga kapwa dayuhan sa mga casino.
Ayon kay PNP chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa, tinutugis na ang isa pang banyaga na itinuturing na mastermind na nakilalang si Chen Dequin matapos makatakas sa inilunsad na operasyon.
Ibinunyag din ng PNP chief na dalawang grupo ang mga ito ng mga Loan Sharks na kumikilos sa mga malalaking casino sa bansa.
Sa kabilang dako, paliwanag naman ni PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) director Pol. S/Supt. Glen Dumlao na modus ng nasabing sindikato na maghanap ng mga high roller na galing sa China at Singapore.
Pagdating sa aniya sa casino ay kakaibiganin ang mga ito at pauutangin kapag natatalo, at kapag baon na sa utang ay dito na kikidnapin ang target at dadalhin ito sa Bayview International Tower na siyang kanilang kuta.
Kukuhanan ang mga ito ng video na sinasaktan at tinututukan ng baril para ipadala sa pamilya sa China o Singapore upang hingan ng ransom.
At dahil bawal sa China ang mahuling nagsusugal , agad na nagbabayad ang pamilya ng mga ito.
Ibinunyag din ni Dumlao na 2015 pa lamang ay may record na sila ng ganitong modus ng mga suspek.