-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Posibleng magsagawa ng imbestigasyon ang Department of Interior and Local Government (DILG-12) sa mga barangay kapitan ng Tacurong City, Sultan Kudarat matapos lumabas ang impormasyon na halos lahat umanong kapitan sa nasabing lungsod ay investor ng Network Marketing Corporation na tinaguriang investment scam.

Napag-alaman na matapos mabigong makapagbigay ng pay-out ang founder ng NMC na si Esperidion “Jun” Sanchez ay nagreklamo ang mga constituents ng Brgy. Rajah Muda, Tacurong City laban sa founder pati sa half-brother ng founder na si Pastor Allan Binatil at ang kanilang kapitan na si Doray Pauya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay kapitan Pauya, itinanggi nitong isa siyang benefactor ng NMC dahil siya mismo ay nahikayat lang umanong mag invest ng P1 million dahil nasaksihan nito ang aktwal na pag-pay-out ng isa sa mga investors.

Samantala ayon naman kay alyas Alfred isa sa mga investors ng NMC investment scam, dapat may pananagutan umano ang kapitan dahil mismong sa barangay hall isinasagawa ang pag-pay-in.

Una na ring sinabi sa Bombo ni kapitan Pauya na halos lahat umanong kapitan sa Tacurong City ay mga investors ng NMC investment scam at dahil dito posibleng ipatawag din sila ng DILG matapos kunsintihin ang nasabing aktibidad sa kanilang mga nasasakupan.