-- Advertisements --

Magsasagawa ng case build up ang PNP sa mga barangay sa buong bansa na walang gumaganang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

Ayon kay PNP chief D/Gen. Ronald Dela Rosa, malinaw kasi na nagpabaya umano ang mga opisyal sa kanilang trabaho.

Bukod kasi sa kasama ito sa budget ng mga barangay, nakasaad din sa ilalim ng batas na dapat aktibo ang BADAC na gumawa ng mga programa para labanan ang droga.

Nagbabala din ito sa mga opisyal ng barangay na sangkot sa iligal na gawain na bilang na ang kanilang mga araw.

Para kay PNP chief, dalawa lang ang implikasyon ng mga barangay na walang BADAC: maari aniyang takot ang mga opisyal na labanan ang mga sindikato o hindi kaya naman ay sila mismo ang mga sindikato.

Aminado si Dela Rosa na ang problema ay nasa mga barangay kaya dapat dito pa lamang ay natutugunan na ang problema lalo na sa iligal na droga.

Hinahanap din ngayon ng PNP ang isang barangay kapitan na lantaran umanong nagbebenta ng iligal na droga.

Batay sa impormasyon ng PNP, kasalukuyang nagtatago sa Marawi ang nasabing barangay captain at posibleng umanib na sa Maute-ISIS terror group.