ILOILO CITY – Nasa maayos na kalagayan na ang mga barangay officials sa Western Visayas na nabiktima umano ng food poisoning kasabay ng isinagawang seminar sa isang hotel sa lungsod ng Iloilo.
Ang nasabing food poisoning incident ay nangyari habang isinasagawa ang Implementing Rules and Regulation (IRR) seminar ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Julie Siquio ng Nanga, Pototan, Iloilo, sinabi nito na unang nakaramdam ng pananakit ng tiyan o loose bowel movement (LBM) ang isa sa kanyang barangay kagawad hanggang sa siya at ang isa pang barangay kagawad ay nakaramdam na rin mismo ng pananakit ng tiyan.
Inakala pa niya na tatlo lamang sila ang nakararanas ng LBM ngunit labis ang kanyang pagkagulat ng mabalitaan na pareho rin ang nangyari sa iba pang barangay officials mula Buruanga, Aklan at iba pang lugar sa Pototan, Iloilo.
Sinabi rin ni Siquio na kabilang sa kanilang kinain ay ang sweet and sour meat balls, sinigang at buttered chicken.
Inihayag ng punong barangay na hindi naman panis ang mga pagkain na kanilang kinain at wala rin silang kinain na iba pang putahe o snacks na dahilan upang makaranas sila ng LBM.
Nangako naman ang pamunu-an ng hotel na magbibigay ng tulong sa mga biktima.