Hinimok ni incoming Philippine National Police (PNP) chief at kasalukuyang National Capital Region Police Office (NCRPO) chief police Director Oscar Albayalde ang mga opisyal ng barangay na nasa listahan ng drug watchlist ng pambansang pulisya na sumuko.
Ayon kay Albayalde, bukod sa mga lulong sa droga ay kanila ring pinapasuko lalo na ang mga opisyal na manunungkulan sa ating bansa at nagpapahalal sa ating mga kababayan.
Binigyang-diin naman ng heneral na hindi mapipigilan ng PNP kung ang mga nasabing opisyal ay tatakbo sa nalalapit na Barangay at SK elections na nakatakda sa susunod na buwan.
Pahayag ni Albayalde, mahalaga na ma-educate ang ating mga kababayan at sila na mismo ang magdesisyon na huwag iboto ang mga kandidato na sangkot sa iligal na droga.
Dapat aniya ay boluntaryong sumailalim sa drug testing ang mga opisyal ng barangay na kakandidato sa nalalapit na halalan bilang patunay na walang itinatago.
“Hindi na siguro kailangan ng batas para pag pa drug test ang ating mga kandidato tayo,” wika ni Albayalde.
Samantala, patuloy ang validation ng pambansang pulisya sa mga pangalan ng mga barangay official na kabilang sa listahan ng drugs watchlist ng PNP.
Ayon kay Albayalde,simula pa noong nakaraang taon ay nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang mga counterpart kabilang na ang Commission on Elections ukol sa mga barangay official na umano’y sangkot sa illegal drug trade.